Parker lalaro o hindi?

SAN ANTONIO – Umupo at pinanood ni San Antonio Spurs guard Tony Parker ang pag-eensayo ng kanyang mga kakampi.

Umaasa ang Spurs na hindi ito gagawin ni Parker sa Game 4 laban sa Miami Heat sa NBA Finals.

Inilista ng Spurs si Parker na may isang grade 1 right hamstring strain at ikinunsidera ang kanyang kondisyon na ‘day-to-day.’

Nalasap ni Parker ang injury sa second half sa 113-77 paggupo ng Spurs sa Heat sa Game 3 na nagbigay sa kanila ng 2-1 bentahe sa serye.

“The good news is it’s not a tear, it’s not a defect,” sabi ni Parker. “Now I just have to see how I’m going to feel [nitong Huwebes].”

Nagtatala si Parker ng mga averages na 13.3 points at 6.3 assists sa unang tatlong laro sa NBA Finals.

Nagtala siya ng 6 points at 8 assists sa loob ng 27 minuto sa Game 3 bago siya nagkaroon ng injury at tuluyan nang iniupo sa fourth quarter kung saan ma-laki na ang bentahe ng San Antonio sa Miami.

Kung hindi maglalaro si Parker sa Game 4 ay magkakaroon siya ng apat na araw na pahinga bago ang Game 5.

Sinabi ni Parker na si Spurs coach Gregg Popovich ang magdedesisyon kung gagamitin siya sa Game 4.

“Coach Pop always prefers the rest, to avoid injury,” wika ni Parker. “If it was the regular season I would definitely have rest. I would not play. And same thing here, it’s an injury, and so we’ll see.”

“Obviously it’s the finals, you know. I know Pop is always going to prefer we take no risk,” dagdag pa nito.

Inaasahang gagamitin ng Spurs bilang kapalit ni Parker sa starting five si Cory Joseph.

Nagposte si Joseph ng mga averages na 7.2 points at 3.1 assists sa siyam na laro bilang starter ngayong season.

Magtutulungan naman sina Manu Ginobili at Gary Neal sa ball-handling at ang No. 3 point guard ng Spurs ay si Patty Mills.

“I just try to look at the game the same no matter how much playing time I get, whatever it is,” sabi ni Joseph. “I just try to go out there and help my team and let the game take care of itself.”

Show comments