Magandang dibidendo mula sa Quiricada Milagros

MANILA, Philippines - Nagpista ang bayang karerista na nanalig sa husay ni Quiricada Milagros nang magbigay ito ng magandang dibidendo noong Biyernes ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Si IL Aguila ang hineteng pinagdala sa kabayo mu­la sa regular na jockey na si Val Dilema at nanalo ito kahit masama ang alis sa aparato.

Isang 1,400-metro ang karera na Summer Racing Festival (CD-3) at sampung kabayo ang nagbakbakan.

Paborito ang Classical Bid, Trip To Heaven at Se­ño­rita Alessi at tila pangangatawanan nila ang pagi­ging patok nang magkakasabay na dumarating sa hu­ling kurbada.

Sa huling 100-metro ng karera ay nakalayo na ang Classical Bid at Señorita Alessi.

Pero sa isang iglap ay  dumarating na ang Quiricada Milagros.

Wala nang nakapigil pa sa pagratsada ng rumere­mateng kabayo na nasa labas para manalo ng kalaha­ting agwat sa Señorita Alessi.

Lumabas na long shot sa gabi ang Quiricada Milagros matapos maghatid ng P121.00 sa win, habang ang tambalan ng Señorita Alessi, na third choice sa benta­han (5-10) sa forecast ay may P1,948.00 dibidendo.

Isama pa ang liyamadong Classical Bid, ang 5-10-9 sa trifecta ay nagkahalaga ng P3,073.20.

Ang quartet na kinumpleto ng dehado ring Princess Angelica (5-10-9-6) ay mayroong P22,049.00 dibidendo.

Show comments