MANILA, Philippines - May kumpiyansa si Blackwater Sports coach Leo Isaac na kaya ng kanyang mga bataan na wakasan ang championship series sa Martes.
Ginulat ng Elite ang mas pinaborang NLEX Road Warriors sa unang labanan sa best-of-three finals para sa PBA D-League Foundation Cup sa pamamagitan ng 70-67 panalo noong nakaraang Huwebes sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
“Naniniwala na ang mga players ko na puwede nilang talunin ang NLEX. Ngayong malapit na kami sa title, naniniwala akong nasa isipan nila na kaya na rin nilang manalo ng title,†wika ni Isaac.
Tiyaga at tibay ng dibdib ang naging puhunan ng Elite dahil nauna silang iniwanan ng Road Warriors sa halftime, 38-29.
Pero sa ikatlong yugto ay gumana ang opensa at depensa ng Blackwater para pakawalan ang 27-14 palitan at tuluyang hawakan ang momentum.
Kaya kahit nakapanakot pa ang Road Warriors na agawin ang napipintong panalo sa magkasunod na tres ni Ronald Pascual para sa 67-66 iskor, ay buo ang loob na hinarap ang hamon at binokya ang Road Warriors sa huling dalawang minuto kasabay ng pagsandal sa kabayanihan nina Kevin Ferrer, Allan Mangahas at Narciso Llagas.
“We just need to continue playing basic basketball and discipline,†wika pa ni Isaac.
Hindi naman isinusuko ng NLEX ang laban at buo ang loob ni coach Boyet Fernandez na makakabawi ang kanyang mga alipores at mananatiling palaban para sa record na ikalimang sunod na titulo sa liga.
“We didn’t match their energy. The turning point was the third quarter, but still, they have to beat us one more time. Hindi pa tapos ang serye,†wika ni Fernandez.
Gagawa siya ng adjustments pero ang isa sa nais niyang makita sa mga bataan ay ang determinasyon na manatiling kampeon, bagay na hindi nasilayan sa unang pagkikita.
Ang Game Two ay gagawin sa Martes sa Ynares Sports Arena sa Pasig City at kung manalo ang NLEX, ang deci-ding game ay sa Huwebes (Hunyo 13) sa nasabing venue rin.