MANILA, Philippines - Iinit ang aksyon sa horse racing sa susunod na tatlong buwan sa paglarga ng malalaking karera sa magkakaibang karerahan.
May kabuuang P12.9 milyon ang paglalabanan sa mga stakes races na ikinalendaryo ng Philippine Racing Commission mula sa buwan ng Hunyo hanggang Agosto.
Tampok na karera sa mga buwang ito ay ang ikalawa at ikatlo na huling yugto ng 2013 Philracom Triple Crown Championships.
Tig-P3 milyon ang premyong isinahog kada-leg at ang mananalo ay mag-uuwi ng P1.8 milyong gantimpala.
Ang Divine Eagle ang nakauna sa tatlong seryeng karera para sa mga 3-year old horses at mapapalaban ito sa second leg na gagawin sa Hunyo 15 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite sa distansyang 1,800-metro.
Kung lumusot pa ay magkakaroon ang Divine Eagle ng pagkakataon na maging ika-siyam na kabayo na nakawalis sa tatlong yugtong karera sa paglarga ng third leg sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite sa Hulyo 13 sa mas mahirap na 2,000-metro distansya.
Sakaling palarin ang kabayo na manalo sa tatlong yugtong karera, may karagdagang P500,000.00 ito mula sa nagpapakarera.
Kasabay na itatakbo ay ang Philracom Hopeful Stakes sa mga nasabing petsa ng Triple Crown na nilagyan ng P1 milyong premyo at P600,000.00 ang makukuha ng mananalong kabayo.
Samantala, ang mga mahuhusay na two-year old horses ay magpapasiklaban din bukod pa sa mga local at imported at mga tatlong taong gulang na fillies.
Ang una at ikalawang yugto ng Juvenile Fillies at Colts ay itinakda sa Hul-yo 21 at Agosto 25 sa Santa Ana Park at Metro Turf Club.
Sa 1,000-m at 1,200-m paglalabanan ang mga karerang ito na sinahugan= ng P500,000.00 gantimpala.
Lalarga sa Agosto 4 sa Metro Turf Club ang Atty. Rodrigo Salud Race na 4th leg ng Imported/Local Challenge at paglalabanan sa 1,800-metro na nilagyan din ng P500,000.00 premyo.
Isa naman sa kasasabikan ay ang 2013 Lakambini Stakes Race sa Agosto 17 sa karerahan na pag-aari ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI).
Sukatan ng resistensya ang mangyayari dahil nasa 1,800-metro ang karera at nilagyan ng P1.2 milyong premyo at P900,000.00 ang mapupunta sa magwawagi.
Sa Manila Jockey Club naman nakaporma ang dalawang Bagatsing Cup na nilagyan ng pinagsamang P1.2 mil-yong premyo.
Inaasahang may mga magaganap ding pakarera ang Philippine Charity Sweepstakes Office para lalong sumig-la ang pista sa susunod na tatlong buwan.