SMBeer tangka ang 2-1 bentahe

Laro NGAYON (Nimibutr Stadium, Bangkok)

8 p.m. – Sports Rev Thailand Slammers vs San Miguel Beer

 

MANILA, Philippines - Ikalawang sunod na panalo para mahawakan ang kalamangan sa serye ang balak lagukin ng San Miguel Beer sa pagsagupa uli sa Sports Rev Thailand Slammers sa Game Three ng ASEAN Basketball League semifinals ngayong gabi sa Nimibutr Stadium sa Bangkok, Thailand.

Sa ganap na ika-8 ng gabi magsisimula ang aksyon at ang Beermen ay sasandal sa 91-60 demolisyon sa Slammers noong Sabado para maitabla ang best-of-five serye sa 1-1.

Dayo ang  tropa ni coach Leo Austria ngunit handa ang Beermen na balikan ang Slammers na nakaisa sa Pilipinas, 62-60, sa Game One.

Inaasahan ni Austria na magiging pisikal uli ang labanan tulad sa Game Two pero hangga’t makikitaan ang kanyang manlalaro ng focus at determinasyong manalo, lalaban ang koponan ng sabayan.

“Our victory should send a message to them and it gave us the momentum in this series,” wika ni Austria.

“We know what we are facing and we are determined to win this one,” dagdag nito.

Hindi napatawan ng kaparusahan si Justin Williams matapos mapatalsik sa huling laro dahil sa dalawang unsportsmanlike fouls para may makatuwang sina Brian Williams, Asi Taulava at ang nagbabalik na si Erik Menk Ngunit ang puwersa ng Beermen ay nakasalalay sa mga guards na sina Chris Banchero, Leo Avenido, Val Acuña at Jeric Fortuna na sa Game two ay nagsanib sa 54 puntos.

Si 7-footer Christien Charles at Froilan Baguion ang mamumuno sa host team na magnanais na ma-ging fourth seed team na makasilat sa number one team sa playoffs.

 

Show comments