MANILA, Philippines - Magiging panauhin ang dalawang koponang magkalaban sa Shakey’s V-League Season 10 First Conference finals at ang mga miyembro ng Energen-Philippine 3x3 team na nagkampeon sa FIBA-Asia U18 Championships sa Bangkok, Thailand ngayon sa PSA Forum sa Shakey’s Malate.
Sasamahan ni National University coach Edjet Mabbayad sina Myla Pablo, Jen Reyes at league MVP Dindin Santiago sa pang alas-10:30 ng umagang ses-yon para talakayin ang kanilang ‘winner-take-all showdown’ ng nagdedepensang Ateneo sa Linggo sa Philsports Arena sa Pasig.
Pinuwersa ng Lady Bulldogs sa isang rubber match ang kanilang serye ng Lady Eagles nang kunin ang 26-24, 25-23, 25-22 straight sets win sa Game 2 noong Linggo.
Bibisita din ang Lady Eagles sa public sports prog-ram na isinasaere sa DZSR Sports Radio 918 at inihahandog ng Shakey’s at ng Philippine Amusements and Gaming Corporation.
Ang kampeong Energen-PH 3x3 team na kinabibilangan nina Thirdy Ravena, Kobe Paras, Arvin Tolentino at Prince Rivero kasama si coach John Flores at Joel Lopa ng Energen ay magkukuwento ng kanilang championship experience sa FIBA-Asia U18 tournament na kanilang pinagharian matapos talunin ang India sa finals, 21-19.
Dadalo din ang mga opisyales ng Shell National Youth Active Chess Championships na pangungunahan ni Pilipinas Shell social investment manager Jackie Ampil at tournament director Alex Dinoy.