MANILA, Philippines - Mahigit isang milyon ang kitang ipinasok ng mga kabayong pag-aari ni Hermie Esguerra sa buwan ng Abril para kunin na ang pangunguna sa hanay ng mga horse owners kung kita ang pag-uusapan.
May siyam na panalo, apat na segundo, tatlong tersero at isang kuwarto puwesto ang kinamada ng mga panlaban ni Esguerra upang agawin ang liderato na naunang tangan ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos.
Ipinahinga halos ang mga pambato, ang kuwadra ni Abalos ay nagkamit lamang ng apat na panalo, apat na segundo at dalawang tersero para bumaba sa ikalawang puwesto.
Umangat na sa P4,455,992.67 ang kinita ni Esguerra mula sa 35 panalo, 23 segundo, 9 tersero at 8 kuwarto puwesto matapos nang apat na buwang pa-ngangarera.
Nakadikit naman si Abalos dahil kapos lamang siya ng halos sixty thousand sa napanalunang P4,387,887.77 mula sa 16 panalo, 8 segundo, 5 tersero at 3 kuwarto puwestong pagtatapos.
Samantala, nananatili sa ikatlo at apat na puwesto sina Aristeo Puyat at Jecli Lapuz ngunit ang dating nasa ikalimang puwesto na si Atty. Narciso Morales ay bu-maba sa ika-siyam na puwesto.
May pumapangalawang 26 panalo bukod pa sa 17-24-26 segundo hanggang kuwarto puwestong pagtatapos, si Puyat ang nagsosolo sa mga horse owners na kumabig ng tatlong milyon sa P3,603,045.25.
Nasa ikaapat si Lapus sa P2,931,708.86 sa 15-19-31-23 karta habang si Eduardo Gonzales ang kumuha sa ikallimang puwesto sa P2,813,051.77 sa 19-17-12-16 karta.
Si Morales ay nagkaroon lamang ng isang panalo sa buwan ng Abril para malaglag sa ika-siyam na puwesto tangan ang P2,415,690.69 sa 15-18-19-24 baraha.
Nasa ikaanim na puwesto si Harry Aguilos sa P2,567,891.26 (17-22-15-16) bago sumunod si HL Neri sa P2,490,875.01 (19-13-11-12), si Leonardo Naval na may pumapangatlong 20 panalo ang nasa ikawalo sa P2,480,927.30 (20-11-15-15), habang si Ruben Dimacuha, na pag-aari ang kabayong Be Humble, ang nasa pang-sampung puwesto sa P2,320,765.45 (13-6-6-5).
Ang Jade Bros. Freight ang ikawalong may-ari ng kabayo na nag-uwi na ng mahigit na dalawang mil-yong kita sa P2,079,479.62 habang 26 horse owners pa ang nagkaroon na ng mahigit na isang milyong premyo na napanalunan.
Kasama sa P1 million list sina Sixto Esquivias IV. (P1,763,392.55) at Leonardo Javier Jr. (P1,587,902.22) na nasa ika-13 at ika-17 puwesto.