MANILA, Philippines - Pinangatawanan ng kabayong Yakal ang mataas na ekspektasyon ng bayang-karerista nang manalo bilang pinakaliyamadong kabayo na nangyari noong Linggo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Si Jessie Guce ang hinete ng patok na kabayo na tumakbo sa class division 3 sa 1,000-metrong distansya.
Pumasok ang tambalan mula sa panalo sa class division 2 sa mas mahabang 1,200-m distansya noong Mayo 10 at hindi naman umubra ang hamon ng 12 iba pang kabayo tungo sa ikalawang sunod na panalo.
Ang Classical Bid na hawak ni Rodeo Fernandez ang nagbigay ng hamon pero hindi niya nakayanang sabayan ang lakas ng nanalong kabayo para kunin ang ikalawang puwesto at pawiin din ang pang-siyam na puwestong pagtatapos noong Mayo 5 sa nasabing race track.
Patok ang dalawang kabayo para makapaghatid ng P13.50 ang 3-5 forecast habang ang win ay mayroong P5.00 dibidendo.
Ang High Voltage na ibinalik kay Jeff Zarate ay nakabawi matapos ang di pagtimbang sa huling karera noong Mayo 5 nang dominahin ang class division 9-8 sa 1,300-metrong distansya.
Ang ibang karera na pinaglabanan sa bakuran ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI) ay inangkin ng mga dehadong kabayo.
Tampok na panalo ang nasungkit ng Extra Ordinary na sinakyan ni Mark Alvarez na sariwa sa pagkapanalo sa 1st leg ng Triple Crown sa kabayong Divine Eagle.