MANILA, Philippines - Nakita ang husay ng kabayong Big Leb matapos makapanorpresa sa unang yugto sa 2013 Philracom Hopeful Stakes Race na nangyari noong Sabado sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Bagama't nanalo ang nasabing kabayo sa hu-ling dalawang takbo nito sa bagong karerahan na naitala noong Abril 9 at 16, hindi naman napaboran ang kabayong hawak ni Jessie Guce dahil sa pagsali ng ipinalagay na mas mabigat na katunggali sa pangunguna na ng Cat’s Silver.
Ngunit nagkamali ang bayang karerista dahil handang-handa sa laban ang nasabing kabayo sa 1,600-metrong distansya.
Agad na isinunod ni Guce ang sakay sa Sharpshooter na hawak ni Mark Alvarez habang nakabuntot ang tatlong kabayo sa pagdadala ng Daragang Magayon ni Jeff Zarate.
Lumayo ng halos limang dipa ang dalawang nasa unahan habang nag-init ang Big Leb sa back stretch upang pagsapit sa rekta ay hawak na ng nasabing kabayo ang unang puwesto.
Umarangkada na rin ang Daragang Magayon at dumikit ng isang dipa sa Big Leb pero hanggang dito na lamang ang inabot ng kabayo ni Zarate dahil buo pang dumating ang katunggali sa meta.
Bumenta lamang ng P20,725.00 sa Daily Double na umabot ang sales sa P603,294.00, naorasan ang Big Leb ng 1:37.6 sa kuwartos na 24’, 22’, 23’, 27.
“Mas mabuti ang kabayong ito na nasa harapan. Noong huma-bol ang Sharpshooter, inagapayan ko muna para hindi ubos ang kabayo ko. Ramdam ko naman na amin na ang panalo dahil alam kong meron pa ang kabayo,†wika ni Guce sa pagtala ng pinakamala-king panalo ng Big Leb.
Bukod sa pagbulsa sa P600,000.00 unang gantimpala mula sa P1 milyon na inilagay ng Philippine Racing Commission, ang panalo ng Big Leb ay magbibigay-daan para makasali sa 2nd leg ng Triple Crown sa Hunyo 15 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.