MANILA, Philippines - Nagkalat ng 22 hits si Thai import Jeng Bualee kasabay ng paghugot pa ng suporta sa ibang inaasahan at ang Ateneo ay nasa finals ng Shakey’s V-League Season 10 First Conference sa pamamagitan ng 25-13, 23-25, 25-23, 25-15, panalo sa UST kagabi sa Mall Of Asia Arena sa Pasay City.
Di tulad sa Game One na kung saan na-ging panuporta lamang si Bualee, ang dating import ng San Sebastian na kinuha ng Lady Eagles sa pagbubukas ng semifinals ay aktibong lumaban para sa bagong koponan nang magkaroon ito ng 19 kills at 2 blocks.
Hindi naman nagpabaya sina Alyssa Valdez, Rachel Ann Daquis at Fille Cainglet na gumawa ng 15, 10 at 10 hits para makapagdomina ang Lady Eagles sa 6-time champion na Tigresses sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
May 14 hit si Maika Ortiz habang 10 ang ginawa ni Carmela Tunay pero naramdaman ng UST ang mahinang laro mula kina Aiza Maizo at Pamela Lastimosa na tumapos sa pinagsamang 13 hits para mamaalam na sa ligang may ayuda pa ng Accel at Mikasa.
Ang makakalaban ng Lady Eagles na balak na kunin ang ikatlong sunod na titulo sa conference, ay malalaman matapos ang ikatlong sagupaan sa pagitan ng National University at Adamson sa Linggo.
Itinabla ng Lady Bulldogs ang kanilang best-of-three semifinals series ng Lady Falcons sa pamamagitan ng 20-25, 25-21, 24-26, 25-21, 15-12, tagumpay sa unang laro.
May 18 kills, 5 blocks at 4 service aces tungo sa 27 puntos si Dindin Santiago para tulungan ang NU na makabangon mula sa 1-2 iskor at maihirit ang rubbermatch game.
Bagama’t may 39 errors ang NU at kapos ng isa para pantayan ang nagawa sa Game One, bumawi ang Lady Bulldogs nang dominahin ang attack points, 56-51, at blocks sa16-2.