MANILA, Philippines - Gumawa ng 16 puntos ang nagbabalik na si Greg Slaughter para tulungan ang NLEX na dominahin ang EA Regen, 103-86 at kunin ang unang awtomatikong semis seat sa PBA D-League Foundation Cup kahapon sa Yñares Sports Arena sa Pasig City.
Dalawang beses lamang na sumablay si Slaughter sa siyam na attempts at ang naipakita ay nakatulong sa Road Warriors na tapusin ang 40-minutong labanan bitbit ang respetadong 52.9% shooting (45-of-85).
Namuno sa NLEX si Nico Salva sa kanyang 19 puntos habang tig-14 naman ang ibinigay nina Kirk Long at Eric Camson para sa Road Warriors na naisulong ang pagpapanalo sa walong diretso para angkinin na ang number one seeding kahit may isang laro pang nalalabi sa kanilang asignatura.
“Dinala kami ni Greg. Sa kanyang pagbabalik, mas gumanda ang tsansa namin sa semis,†ani coach Boyet Fernandez na dumating kahapon mula US at pinaubaya kay Adonis Tierra ang pagdiskarte sa koponan.
Tinapos ng Team Delta ang kampanya sa 6-5 karta upang makasalo sa apat na koponan na nasa ikalima hanggang walong puwesto na kinabibilangan ng Cebuana Lhuillier na tinalo ang Cagayan Valley, 63-54, sa unang laro.
Anim na koponan lamang ang aabante sa susunod na round at ang mga tabla ay babasagin gamit ang quotient system.
Tabla ang NLEX at EA Regen matapos ang first period, 24-24, pero nagsimulang gumana ang opensa ng Road Warriors sa second period upang unti-unting layuan ang kalaban.
May 18 puntos si Jimbo Aquino habang double-double sa puntos at rebounds sina Ian Sangalang (17-11) at Raymund Almazan (10-15).
Naghatid pa ng 12 puntos si Alex Nuyles at 10 ang kay Michael Juico pero malamig ang Team Delta sa tinamong 38.4% shooting (28-of-73) para malagay sa alanganin pa ang paghahabol sa quarterfinals spot ng baguhang koponan.