MANILA, Philippines - Nakuha uli ng Papa Ethan ang bangis sa pagtakbo para mapasaya ang mga dehadistang nangarera noong Sabado ng hapon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Sa class division 7 sa distansyang 1,300-metro naglaban ang walong kabayo at nangibabaw ang husay ng Papa Ethan na hinawakan ni JPA Guce.
Hindi kursunada ang kabayo na manalo sa karerang ginawa sa bakuran ng Manila Jockey Club Inc. (MJCI) dahil noon pang Marso 27 hu-ling nakatikim ng panalo ang kabayo nang dominahin ang mas pinaborang Hot.
Pero kondisyon ang Papa Ethan para wakasan ang halos isa’t kalahating buwan na hindi nananalo.
Pumangalawa ang Coal Harbour na dala ng pinsan ni Guce na si JA Guce at ang forecast na 3-4 ay naghatid ng pinakamalaking dibidendo na P1,340.00.
Nagpasikat din ang mga kabayong Don Guru at Joshua’s Laughter sa huling race 11 na isang class division 6 at inilagay sa 1,400-meters na nilahukan ng 14 na kabayo.
Hindi rin paborito ang dalawang kabayo na dumating sa una at ikalawang puwesto dahil sa kawalan ng pruweba sa mga huling tinakbuhan kaya’t kumabig naman ng P660.50 ang nanalig sa 7-1 kumbinasyon sa forecast.
Kasama sa mga nanalong patok ay ang Amberdini na nakuha ang unang panalo sa buwan ng Mayo.
Si Virgilio Camañero ang hinete ng kabayo na kumarera sa 3-YO and above (M-A) at hindi pinaporma ng tambalan ang hamon ng Ubolt ni Mark Alvarez.
Ito ang ikalawang pagkakataon na nalagay sa pangalawang puwesto ang Ubolt matapos pumangalawa rin noong Abril 23 sa nasabing race track sa karerang dinomina ng Play With Fire.