Seryoso na uli sa PBA

DAVAO  City – Pagkatapos ng kasiyahan sa All- Star Week, seryoso na uli ngayon ang lahat sa PBA.

 Tutuon na ang atensiyon sa PBA Commissioner’s Cup playoffs na magpapatuloy ng semifinals bukas at sisimulan na rin ng Gilas Pilipinas ang intensibong trai­ning para sa paghahanda sa FIBA-Asia Championships na gaganapin sa Mall Of Asia Arena sa Agosto 1-11.

Natapos sa 124-all ang laban ng PBA All-Stars kontra sa Gilas. Walang nanalo, walang natalo. Ang sigurado lamang na nanalo ay ang mga fans na binigyang saya ng kanilang mga paboritong players.

Maaaring nag-iba sana ang resulta ng laro kung nag­laro si Marcus Douthit sa Gilas gayundin sina Mark Caguioa at James Yap na pare-parehong may mga injury. Gayunpaman ay tuwang-tuwa pa rin ang mga fans.

Hinayang na hinayang si Mark Pingris, ang choreo­grapher ng Gilas Pilipinas para sa kanilang dance intro showdown ng PBA Selection team. Mas may dating ang kanilang production number sa fans ngunit ang nanalo ay ang PBA All-Stars.

Sumayaw ang Gilas ng bagong hit ni Psy na Gentleman na sinundan nila ng Cha-cha-cha ni Ryzza.

Ang PBA selection naman ay nag-Gentleman din at sinundan nila ng Gangnam dance. Ngunit hinaluan nila ng pakulo nang kabitan nila ng poster ng host na si Go­vernor Cagas ang likod ni Beau Belga sa finale.

Ahhh, siya nga pala, dinoble ni Gov. Cagas ang prem­yong P20,000  na ibinibigay ng PBA kaya P40,000 ang naisubi ng PBA All-Stars na ang nag-choreograph ng kanilang sayaw ay si Arwind Santos.

Si Arwind ay itinanghal ding co-Most Valuable Pla­yer kasama si Jeff Chan.

Hindi naman masyadong kinarir ni Arwind ang All-Stars di ba?

 Lumaro din siya sa PBA Shooting Stars at sa Slum Dunk Contest ngunit hindi siya pinalad.

***

May mga nawiwirduhan kung bakit ginawa ang All-Star week sa kalagitnaan ng isang conference. Dati ka­sing ginagawa ito sa pagitan ng isang conference.

To think na siniksik pa ang schedule ng mga laro bilang bahagi ng pag-a-adjust ng PBA para sa paghahanda ng Gilas-Pilipinas para sa FIBA-Asia.

Huwag na kayong mawirduhan, ganito kasi ‘yan…

October pa noong nakaraang taon, nakipag-ayos na ang  PBA na ang Digos ang host ng susunod na All-Stars, ibinigay sa Pinas ang hosting ng FIBA-Asia, late January na at nabuo ang National team ng Pebrero.

Committed na ang PBA sa Digos para sa All-Stars kaya hindi na nila ito puwedeng kanselahin, at siyempre para bigyang kasiyahan ang mga fans dahil taun-taon nila itong inaabangan.

Show comments