MANILA, Philippines - Balak magpatayo ang pamunuan ng cycling velodrome sa loob ng racing track sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Sinabi ni Dr. Norberto Quisumbing Jr., ang founder at chairman ng Metro Turf na ikatlong racing club sa bansa, na nakaplano na ang pagpapatayo ng velodrome at ito ay dahil sa hangarin ng racing club na tumulong sa pag-develop sa atleta sa ibang sports.
“We want to support other sports to help them develop their respective fields. At the same time, by holding more sports here, we will soon rea-lize our vision that is to make Metro Turf a family sports destination where everyone in the fami-ly can enjoy spending their time here,†wika ni Quisumbing.
Noong Pebrero binuksan sa publiko ang bagong race track na nasa 45-ektaryang lupain na nasa boundary ng Malvar at Tanauan, Batangas.
Masasabing world class ang pasilidad sa naturang racing club at bukod sa magarang track, maliwanag din ang mga ilaw na ikinabit upang mapanood ng malinaw ng mga tumatangkilik ang aksyon kahit gabi ang karera.
Dahil tatlo ang racing clubs na naghahati-hati sa pagpapakarera kaya’t halos walong beses lamang nakakapagpakarera sa Metro Turf na siya ring nangyayari sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite at Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Hindi man nasasagad ang dapat na kikitain, kontento naman si Quisumbing sa itinatakbo ng kanyang club at naniniwalang sa mga darating na panahon ay darami na ang mga panatiko ng Metro Turf.
“We have a big market here in Calabarzon which is not being served by the two tracks. We have a potential of 15 million spectators and they have a stronger buying power than the average person in Metro Manila,†paliwanag ni Quisumbing.
Dahil nga sa nakikitang paglaki ng bilang ng tao na magkakainteres sa Metro Turf, nasa plano na rin ni Quisumbing ang 70-kuwarto na hostel para sa mga inaasahang dayuhan na bibisita sa hinaharap. Magkakaroon ng viewing deck ang hostel para mas maging kumportable ang mga bisita habang pinanonood ang mainit na tagisan ng mga mahuhusay na pangarerang kabayo.
Magiging sentro ng horse racing ang Metro Turf sa Mayo 18 dahil sa club gagawin ang unang yugto sa 2013 Philracom Triple Crown Stakes race bukod pa sa Hopeful Stakes race.