MANILA, Philippines - Lumaki ang tsansa ni Filipino junior lightweight contender Michael Farenas para sa isang lehitimong world title.
Ito ay matapos pabagsakin ni Farenas si Mexican boxer Gerardo Zayas sa 2:59 minuto ng first round sa kanilang non-title, eight-round bout kahapon sa Erwin Center in Austin, Texas, USA.
Tatlong beses pinatumba ng 25-anyos na si Farenas si Zayas sa first round bago itinigil ng re-feree ang nasabing laban.
Bago ang pagpapabagsak kay Zayas ay nanggaling muna si Farenas sa kabiguan kay Yuriorkis Gamboa noong Dis-yembre 8 sa undercard ng Manny Pacquiao-Juan Manuel Marquez IV sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Itinaas ni Farenas ng Gubat, Sorsogon ang kanyang win-loss-draw ring record sa 35-4-4 kasama ang 27 knockouts at may pagkakataong hamunin si International Boxing Federation junior lightweight title-holder Argenis Mendez ng San Juan de la Maguana, Dominican Republic.
Sakaling maitakda ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang paghahamon ni Farenas kay Mende (21-2-0, 11 KOs), ito ay isasama sa undercard ng ikalawang professional fight ni two-time Olympic gold medalist Zou Shiming sa Hulyo 27 sa Venetian Casino & Resort sa Macau.
Nakamit ni Mendez ang IBF championship belt nang patulugin niya si Juan Carlos Salgado matapos ang four rounds sa kanilang rematch noong Marso.