Kate Ganda namayagpag

MANILA, Philippines - Tinuhog ng Kate Ganda ang ikalawang dikit na pa­nalo sa buwan ng Abril para maging pinakadehadong kabayo na nanalo sa pista sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Si SC Lim ang hinete ng kabayo na dating sakay ni WC Utalla at hindi naman nanibago ang kabayo nang hingan ng hinete na ilabas ang nakatagong galing para iwanan ang nakalabang Doctor Choice.

Pangatlo sa alisan sa hanay ng walong kabayo na nag­laban, inunti-unti ni Lim ang pagpapalabas ng tulin sa dalang kabayo at sa huling liko ay kinuha na ang ka­lamangan matapos mapuwesto sa balya.

Sinikap ng Doctor Choice na habulin ito pero na­kalayo pa ng tatlong dipa ang nanalong kabayo sa pag­tawid sa meta. Nadehado ang nagwaging kabayo da­hil umakyat ito ng grupo nang lumaro sa Class Di­vision 3 na inilagay sa 1,000 metrong distansya upang ma­­kapaghatid ng P67.00 sa win, habang ang forecast na 6-1 ay nagpasok ng P285.50.

Dominado ng mga hindi napaborang kabayo ang unang gabi ng karera sa linggong ito at bago ang Kate Ganda ay nakapagpasikat muna ang Gobernador na­minaliit ang hamon ng Street Wire ni JT Zarate.

Galing sa dalawang segundo at isang panalo ang Street Wire sa huling tatlong takbo pero naubos ito nang pagtulungan ng coupled entries na Gobernador at Mighty Zeus.

Ang Mighty Zeus na sakay ni Mark Alvarez ang na­unang nagdikta sa pace ng karera bago pumalit ang Go­bernador na diniskartehan ni JPA Guce, habang na­sa balya ang Street Wire.

Balikatan ang dalawa pero may nakareserbang ener­hiya pa ang Gobernador para manalo ng dalawang kabayong dipa sa meta.

Show comments