May mahigit P1M nang premyo ang naisubi ng Hagdang Bato, Be Humble at El Libertador

MANILA, Philippines - Tatlong kabayo na ang kumabig ng mahigit na isang milyong pisong panalo sa horse racing matapos ang buwan ng Marso.

Nangunguna ay ang 2012 Horse Of The Year na Hagdang Bato bitbit ang P1,920,000.00 matapos ang dalawang magagandang panalo.

Kasunod ng apat na taong gulang na kabayo ay ang mga tatlong taong gulang na Be Humble at El Libertador.

Nakuha ng Be Humble ang ikalawang panalo matapos ang tatlong takbo noong Marso 15 sa idinaos na Philracom Chairman’s Cup na kung saan ang kanyang hiniya ay ang El Libertador na nalaglag sa ikatlong puwesto mula sa ikalawa noong buwan ng Pebrero.

Kumabig ang connections ng Be Humble ng P1.2 milyong premyo, ang kita ng kabayo ay nasa P1,567,500.00 na.

Ang El Libertador na tulad ng Hagdang Bato ay pag-aari ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos ay may 2-1 karta tulad ng Be Humble pero may mas mababang P1,350,000.00 kita.

Ang Amsterdam ay inaasahang papasok na sa million peso list sa buwan ng Abril dahil ku-mabig na ang kabayo ng P990,698.71 premyo.

Masasabing pinakaaktibo ang Amsterdam sa mga tumakbo dahil may pitong panalo ang kabayo bukod pa sa isang segundo at dalawang kuwarto puwestong pagtatapos.

Nanatili naman ang kabayong Saga sa ikalimang puwesto bitbit ang P875,819.30 sa anim na panalo, at tig-isang segundo, tersero at kuwatro puwestong pagtatapos.

Ang Yes Yes Yes, Yes Boy, Show Me The Mo-ney, Azimuth at Crucis ang kukumpleto sa ika-anim hanggang ikasampung puwesto.

Kumabig ang Yes Yes Yes ng P871,912.76 (5-3-0-0), ang Yes Boy ay mayroong P794,951.42 (5-3-0-0), ang Show Me The Money ay mayroong P750,492.61 (4-4-1-0), ang  Azimuth ay mayroong P717,186.09 (2-0-0-0) at ang Crucis ay kumabig na ng P698,003.28 (3-0-0-3).

Ang Cat’s Silver na pag-aari rin ni Abalos at dating nasa ikatlong puwesto ay nagpahinga sa buwan ng Marso para malaglag sa ika-20th puwesto.

 

Show comments