MANILA, Philippines - Anim na batikang mananakbo ang magsusukatan uli para sa Dr. A.P. Reyes I Stakes race ngayong hapon sa Santa Ana Park sa Naic Cavite.
Sa 1,800m mahabang distansya gagawin ang tagisan at itinalaga ang karera bilang race 3 sa 13 races na matutunghayan sa maghapon.
Ang mga kasali ay ang Next Big Thing, Azkal, Indy Hay, Crucis, Botbo at Big Daddy’s Dream na balak tuhugin ang P300,000.00 unang premyo mula sa P500,000.00 gantimpala na inilaan ng Philippine Racing Commission (Philracom).
Sa anim na magsusukatan, ang Big Daddy’s Dream na sakay ni EG Reyes at Crucis na hawak ni Jeff Zarate ay may bitbit na magkakadikit na panalo para maging palaban sa karera.
Tatlong panalo ang hawak ng Big Daddy’s Dream na pinatawan ng 55 kilos handicap weight habang dalawang dikit ang tagumpay na hawak ng Crucis na may mas magaan na 53 peso.
Ang Botbo na sakay ni JB Hernandez ay inaasahang palaban din dahil sa sukat na ang husay ng kabayo sa mahabaang karera habang ang Azkal ay hindi rin puwedeng iitsapuwera matapos malagay sa panalo at segundo puwestong pagtatapos sa huling dalawang karera.
Ito ang una sa tatlong AP Reyes Stakes races na gagawin sa buwang ito at ang ikalawa at ikatlong yugto ay itatakbo sa susunod na linggo at bukas sa mga edad tatlong taong gulang na mga kabayo.
Ang ibang nakaprograma ay balansiadong binigyan ng handicap weight upang matiyak na magiging mahigpitan din ang mga tagisan.
Isa sa mga karerang sisipatin ay sa class division 5 na race 10 na katatampukan ng paglahok ng Olajuwon at Comitatus na parehong galing sa magagandang panalo.