Udomchoke pamumunuan ang Thailand kontra Pinas

MANILA, Philippines - Ibabandera ni Danai Udomchoke ang bibisitang Thai Davis Cuppers na babanggain ang national pla­yers sa Asia Oceania Zone Group II Davis Cup semi­fi­nals sa Plantation Bay Resort at Spa sa Lapu Lapu Ci­ty mula Abril 5 hanggang 7.

Ang 31-anyos na si Udomchoke ay isang betera­nong man­lalaro at kumuha ng gintong medalya noong 2006 Asian Games sa Doha, Qatar at 2007 SEA Games sa team event sa Korat, Thailand.

Makakasama sa  Thai team ni Udomchoke, may singles ranking na 210 at kumubra ng premyong $1,011,466.00, sina Wishaya Trongcharoenchaikul, Nut­tanon Kadchapanan at Pruchya Isarow.

Galing ang koponan mula sa 4-1 panalo sa Kuwait, pero si Kittiphong Wachiramanowong na ranked No. 647 sa mundo, ay hindi makakasama sa koponan at pinalitan ni Wishaya na 913 ranked netter.

Sina Ruben Gonzales (826) at Treat Huey ang babandera sa Pilipinas at isinama sa koponan ang betera­nong si  Johnny Arcilla at Francis Casey Alcantara.

Ang mananalo ay aabante sa Finals laban sa ma­ngi­ngibabaw sa pagitan ng Pakistan at New Zealand mu­la Setyembre 13 hanggang 15.

Ang magdodominang bansa sa Group II ay aakyat sa Group I sa 2014 habang ang matatalong bansa ay ma­nanatili sa grupo sa susunod na taon.

Sa Abril 4 gagawin ang draw ceremony habang ang opening singles ay itinakda kinabukasan at ang unang laro ay mangyayari sa ganap na alas-3:30 ng ha­pon.

Ang doubles ay gagawin sa Sabado sa ganap na alas-6 ng gabi, habang ang reversed singles ay iti­nakda sa Linggo mula alas-3:30 ng hapon.

Show comments