MANILA, Philippines - Nakakuha ng panalo si jockey RC Baldonido sa ibabaw ng Righthere-rightnow na nangyari noong Linggo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Sa class division 8-9 ginawa ang tagisan sa hanay ng pitong naglaban, kasama ang coupled entry na Yes Yes Yes at Yes I’m The One, na ginawa sa 1,600m distansya.
Unang umalagwa ang Yes Yes Yes na dala ni Jeff Zarate at lumayo ito ng halos anim na dipang agwat hanggang sa pagpasok sa back stretch.
Pero nakikiramdam lang pala si Baldonido dahil nang pag-initin ang dalang kabayo ay rumemate na ito hanggang sa abutan sa unahan ang Yes Yes Yes sa huling kurbada.
Nagbakbakan na ang dalawang kabayo bago bumulusok uli ang Righthererightnow sa huling 100-metro ng karera tungo sa dalawang dipang agwat sa meta.
Naorasan ang Right-hererightnow ng 1:44.4 sa isang milya sa kuwartos na 26, 25, 25, 28.
Kondisyon ang kabayo dahil sariwa ito sa pagtakbo sa Philracom Commissioner’s Cup noong Marso 9 at pumangalawa ito sa Hagdang Bato sa isang milyang karera.
Patok ang nanalong kabayo at nakapaghatid ng P6.50 sa win habang ang 4-2 liyamadong forecast ay nasa P14.00 ang dibidendo.
Nakatikim din ng panalo ang Golden Class sa class division 5 na pinaglabanan sa 1,300-meters.
Si KE Malapira ang hinete ng kabayo na pumangatlo sa huling takbo sa dibisyon noong Marso 15.
Ngunit sa pagkakataong ito ay maganda ang takbo ng kabayo sa pagdiskarte ni Malapira mula kay RC Barrete at tinalo ang Elusive Cat.
May tiyempong 1:22.8 sa kuwartos na 7, 23’, 24’, 27’, ang Golden Class na naghatid din ng P18.00 sa win habang nadehado ang forecast na 5-3 tungo sa P52.00 dibidendo.
Pinakadehadong kabayong nanalo ay ang Never On Sunday sa race seven nang manaig sa hamon ng Domecq ni JB Cordova.
Di inaasahan ang panalo dahil tumapos ito sa pang-11 puwesto sa huling takbo para kumabig ng P32.00 ang win at P330.50 ang 5-7 forecast.