Soylu, Norrie nagsubi ng tig-2 titulo

MANILA, Philippines - Walang pinalagpas na titulo sina Ipek Soylu ng Turkey at Cameron Norrie ng New Zealand nang angkinin ang mga pinaglabanang singles at doubles titles sa pagtatapos kahapon ng 24th Mitsubishi Lancer International Junior Tennis Championships sa Rizal Memorial Tennis Center.

Ang 36th ranked sa mundo na si Soylu ay unang namayani laban sa 13th seed na si Katie Boulter ng Great Britain, 6-2, 4-6, 6-3, bago nakipagtambalan ang 16-anyos netter kay Nina Stojanovic ng Serbia para hiyain sina Naiktha Bains at Olivia Tjandramulia ng Australia, 6-3, 6-4, sa girls’ doubles.

Hindi naman nagpahuli ang third seed na si Norrie dahil kinalos ng kaliweteng 17-anyos, 6’2” netter ang fourth seed na si Luke Bambridge ng Great Britain, 6-2, 6-4, sa boys’ singles.

Positibo rin ang tambalan nila ni Harry Bourchier ng Australia dahil ang second seed sa doubles ay nanalo kina Lucas Miedler ng Austria at Akira Santillan ng Australia sa 7-5, 7-6 (4) iskor.

Sina Soylu at Norrie rin ang lalabas bilang mga kauna-unahang kampeon mula Turkey at New Zealand at nag-uwi ng 150 at 100 ranking points sa tagumpay sa singles at doubles.

 

Show comments