MANILA, Philippines - Buo na dumating ang Esprit De Corps para lumabas bilang pinakadehadong nanalo sa isinagawang pista noong Miyerkules ng gabi sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Si LT Cuadra ang hinete ng kabayo na nakipagbalikatan sa tatlong iba pang kabayo bago kumaripas ng takbo sa huling 50-metro sa 1,200m karera.
Ang King Theodore ay nakaungos sa All Exist at Security Prince para kunin ang ikalawang puwesto sa class division 4 race.
Nagpamahagi ang win ng Esprit De Corps ng P40.00 habang ang pagpasok ng mas dehado pang King Theodore para sa 2-7 forecast ay may P588.50 dibidendo.
Naipakita rin ng Golden Sphinx na hawak ni Antonio Alcasid Jr. ang husay nang pangibabawan ang 3-Year Old Maiden, 1-2, 4YM2 at 6YM1 na pinag-labanan sa 1,000-metro.
Iniwan ng Golden Sphinx ng halos tatlong dipa ang mga nakalaban at ang Lex Forelli ang siyang nakakuha ng ikalawang puwesto sa nag-lakad na Magical Boy.
Umabot sa P5.50 ang dibidendo sa win habang P23.00 ang 2-6 forecast.
Mahigpitan ding pinag-labanan ang 1,600m, 3YO Handicap (4) race three na kinakitaan ng pagdating ng tatlong kabayo na Balatkayo, Basic Instinct at Hora Mismo.