Bornea umiskor ng RSC win

MANILA, Philippines - Ibang Jade Bornea ang nakaharap ni Uzbekistan Murudjon Akhmadaliev para mamuro sa asam na tagumpay sa pinag-lalaruang dibisyon sa 2013 ASBC Asian Confederation Youth Boxing Championships kahapon sa Subic Gym, Zambales.

Hindi nilubayan ng 17-anyos na si Bornea ang katunggali sa kabuuan ng tatlong rounds tungo sa  Referee-Stopped-Contest na panalo sa light flyweight division.

Itinigil ang laban matapos lasapin ni Akhmadaliev, isang silver medalist sa 2012 World Youth Championships ang  ikaapat na standing eight count nang yanigin siya ng malakas na right straight ng Pinoy boxer para pumasok na sa quarterfinals.

Bago nahinto ay kampante na sa unahan si Bornea matapos ang 6-2 at 13-7 kalamangan sa unang dalawang rounds.

Ang panalo sa unang laban ni Bornea ay tumapon sa 14-25 pagkatalo sa Uzbek boxer noong nagkita  sila sa semifinals ng World Youth Boxing sa Armenia.

“Sinabi ko sa kanya na nakuha natin ang first round at timing-timing na lang. Pero mainit si Jade dahil gusto talaga niyang bumawi at ipakita sa lahat na siya ang mananalo,” wika ni Elmer Pamisa na katuwang si Romeo Brin na siyang coach ng limang pambansang boksingero na panlaban sa kompetisyong inorganisa ng ABAP-PLDT at suportado rin ng MVP Sports Foundation at  Subic Bay Metropolitan Authority.

Balik-aksyon si Bornea ngayong hapon at hanap niya ang puwesto sa semifinals sa pagharap kay Rakhmankul Avatov ng Kyrgyzstan na umani ng 11-7 panalo kay MD. Ariful Islam ng Bangladesh.

“Ang pinaghandaan talaga namin ay si Murudjon dahil siya ang pinakamabigat na kalaban ni Jade. Kaya sa tingin ko ay kaya na niyang lusutan ang ibang kalaban,” ani pa ni Pamisa.

Sumalang din sa u-nang pagkakataon si bantamweight Jonas Bacho habang balik-ring din sina flyweight Ian Clark Bautista at lightweight James Palicte kagabi.

“Itong youth team natin, walang mahina at  lahat sila ay palaban. Kaya magpapakita silang lahat dito,” dagdag pa ni Pamisa.

Ang  panlimang boksingero ng bansa ay si 2011 World Junior champion Eumir Felix Marcial na sasalang ngayon laban kay Wang Qingqui ng China sa semis ng light welterweight division.

Show comments