Laro SA Martes
(San Juan Arena)
12 n.n. – Cebuana Lhuillier vs Boracay Rum
2 p.m. – Jumbo Plastic vs Fruitas Shakers
4 p.m. – Big Chill vs NLEX
MANILA, Philippines - Nadagdagan ng tatlong bagong koponan ang mga kasali sa PBA D-League Foundation Cup na magbubukas na sa Martes (Marso 12) sa San Juan Arena.
Ang Jumbo Plastic, Hogs Breath Café at EA Regen Medical Group Inc. ang mga bagong koponan na magdaragdag init sa kompetisyon laban sa mga beteranong koponan sa pangunguna ng 4-time defending champion NLEX Road Warriors.
Babalik din ang Cagayan Valley, Blackwater Sports, Cebuana Lhuillier, Café France, Boracay Rum, Big Chill, Informa-tics at Fruitas Shakers.
Ang Jose Rizal University na pumasok sa semifinals sa katatapos na Aspirants’ Cup ay hindi na sasali pero sila ay kinuha ng EA Regen.
Kumbinsido si PBA commissioner Chito Salud na patuloy na makakatuklas ng bagong mukha ang liga na siyang layunin nila nang ito ay itinatag.
“The past conference saw the rise of new stars and new rivalries. With three new teams joining nine veteran squads, I expect the competition to be as thrilling and exciting,†wika ni Salud.
Mangunguna sa mga kasali ang Road Warriors na balak na palawigin ang pagdodomina sa liga sa ikalimang sunod na conference.
Alam naman ni coach Boyet Fernandez na hindi ito magiging madali lalo pa’t dumami ang mga koponan na maglalaban-laban.
“We have to be ready every game so we can give our team a chance to defend the crown,†wika ni Fernandez na ibabandera uli sina Garvo Lanete, Kevin Alas, Borgie Hermida, Kirk Long, Nico Salva at Greg Slaughter.
Makikilatis ang kakayahan ng Road Warriors sa pagbubukas ng liga sa pagbangga sa Big Chill na mapapanood dakong alas-4 ng hapon.
Triple-header ang labanang matutunghayan sa Martes at ang Cebuana Lhuillier at Boracay Rum ang unang magtutuos sa ganap na ika-12 ng tanghali bago ang pagpapa-kitang-gilas ng baguhang Jumbo Plastic at Fruitas Shakers.