MANILA, Philippines - Mamumulot uli ng limpak-limpak na salapi ang Hagdang Bato sa pagsali nito sa 2013 Philracom Commissioner’s Cup na tatakbo sa Marso 9 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Ang premyadong kabayo na pag-aari ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos ay isa sa apat na kabayong tatakbo sa karerang inilagay sa 1,800m distansya.
Lima ang aktuwal na bilang ng mga maglalaban pero isinali rin ng kampo ni Abalos ang Barkley bilang coupled entry ng Hagdang Bato.
Ang Golden Empire, Righthererightnow at Tensile Strength ang iba pang kabayo na tatakbo sa tampok na karera na sinahugan ng P1.2 mil-yon ng Philippine Racing Commission (Philracom).
Halagang P720,000.00 ang ibibigay sa unang gantimpala at ipinalalagay na mapupunta ito sa Hagdang Bato na siyang kinilala bilang 2012 Horse of the Year ng halos lahat ng sektor sa pangunguna ng Philippine Sportswriters’ Association (PSA).
Si Jonathan Hernandez ang inaasahang didiskarte uli sa apat na taong kabayo na balak kunin ang ikalawang sunod na panalo sa taong 2013 at ika-13 sunod kung isasama ang 11-0 karta noong 2012.
Galing ang Hagdang Bato sa pagdomina sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Freedom Cup Race noong Pebrero 17 na itinakbo sa isang milya.
Iniwan ng nasabing kabayo ang isa pang matikas na Magna Carta para kunin ang P1.2 milyong premyo.
Ang Tensile Strength ang inaasahang hahamon sa lakas ng Hagdang Bato lalo na kung kondisyon ang leg winner ng 2011 Triple Crown Championships.
May maiuuwing P270,000.00 ang papangalawa habang ang papangatlo ay magbibitbit ng P150,000.00 at P60,000.00 premyo.
Ang breeder ng mananalong kabayo ay tatanggap naman ng pabuyang P50,000.00.