MANILA, Philippines - Pinangatawanan ng kabayong El Matador ang pagiging liyamado sa nilahukang karera nang dominahin ang mga nakalaban sa idinaos na pista sa Metro Turf Club noong Sabado sa Malvar, Batangas.
Si Jessie Guce ang hinete ng kabayo na napa-boran matapos ang magandang naipakita sa huling takbo noong nakaraang buwan at tunay ngang karapat-dapat na siya ang piliin na mananalo sa 1,200m, class division 2 race dahil iniwan niya ang mga kalaban nang pakawalan ito ni Guce.
Unang lumamang ang Buy For Sari mula sa pagbukas ng aparato hanggang sa huling kurbada bago lumakas ang pace ng El Matador.
Halos tatlong dipa ang layo ng nanalong kabayo sa apat na tumawid at ang pinalad na nalagay sa ikalawang puwesto ay ang Golden Arazi.
Balik-taya ang nangyari sa win nang P5.00 ang ibinigay na dibidendo habang ang liyamadong tambalan na 5-6 sa forecast ay may P10.00 dibidendo.
Nagpasiklab din ang Appointment na kinaila-ngang lumusot sa kumpol ng kabayo na nasa unahan para dominahin ang sinalihang 1,400m karera.
Nasa P5.50 ang dibidendo sa win ng Appointment na pumangalawa sa huling takbo. Dehado ang Urban Cool upang umabot pa sa P154.50 ang ibinigay sa 10-2 forecast.
Ang kabayong nakapanggulat ay ang Kornati Island na sakay ni Karvin Malapira sa isang Handicap race na pinaglabanan sa 1,400m distansya.
Nasa tamang kondisyon ang nasabing kabayo dahil banderang-tapos ang ginawa sa karerang nilahukan ng mga matitikas tulad ng Posse Left, Alpha Alleanza at Getting Better.
Pero tila napabor sa Kornati Island ang pagkakaroon ng magaan na timbang na 52 kilos.
Umabot sa P38.00 ang ibinigay sa win habang P636.50 ang dibidendo sa 1-6 forecast.