Paeng dinagdagan ang Guinness record

MANILA, Philippines - Sa ikatlong pagkakataon ay muling hinirang ng Guinness World Record si Filipino sports legend Paeng Nepomuceno matapos itaas ang kanyang career titles sa 124 mula sa dating 118.

Ilan sa mga titulong idinagdag kay Nepomuceno ay ang 2008 South Pacific Classic sa Melbourne, ang 2010 Bowling World Cup National Finals at ang 2011 Philippine International Open.

Si Nepomuceno, tinalo ang kasalukuyang world champion two-handed bowler na si Jason Belmonte sa South Pacific Classic finals, ay ang tanging foreign athlete na nagkampeon ng dalawang beses sa nasabing torneo. Siya rin ang tanging pinakabatang naghari sa Philippine International Masters champion sa edad na 17-anyos noong 1974 at 54-anyos noong 2011. 

Simula noong 1972 ay palagian na siyang nananalo sa mga sinasalihan niyang torneo. 

Hindi pa rin nababasag ang tatlong Guinness World Records ni Nepomuceno.

“It’s truly a big honor for me and the country to be listed for the third time in the Guinness World Records,” wika ni Nepomuceno.

Ang kanyang dalawang World Guinness Records ay para sa pinakabatang world bowling champion sa edad na 19-anyos nang manalo siya sa Bowling World Cup sa Teheran, Iran noong 1976 at ang ikalawa ay ang pagkopo  niya ng tatlong world titles sa tatlong magkakaibang dekada.

Nagwagi siya noong 1976, 1980 sa Indonesia at noong 1992  sa Le Mans, France at nakuha niya ang kanyang ikaapat na BWC crown noong 1996 sa Northern Ireland.

Sa kabuuan, mayroon siyang anim na world titles.

Kinilala rin si Nepomuceno bilang Bowling Athlete of the Millennium ng FIQ, ang world go-verning body, noong 1999. 

Siya ang pinakaunang male bowling athlete na iniluklok sa World Bowling Hall of Fame mula sa kanyang life-size image sa entrance ng Hall of Fame and Museum sa Arlington, Texas.

 

Show comments