Huli na ba ang lahat para sa Pacquiao-Mayweather fight?

MANILA, Philippines - May mga naghihintay pa rin na mangyari ang paghaharap nina Floyd Mayweather Jr. at Manny Pacquiao bago pa mahuli ang lahat.

Si Mayweather, undefeated sa 43 fights, ay  36 ngayong buwan habang si  Pacquiao, nakatikim ng dalawang sunod na talo ay malapit nang mag-34.

Matagal na dapat silang nagharap nang bata pa sila, malakas at mabilis pa... nang gusto ng buong mundo na makita silang maglaban.

Kung magkakasundo sila ngayon, maaari silang magharap sa susunod na taon ngunit hindi na ito tatawa-ging ‘superfight’ na siyang itinatawag ng marami noon.

Nagkasundo na ang dalawang kampo sa random drug-testing pero hindi naman magkasundo sa hatian sa kita at sa magiging purse.

Sa pagkakataong ito, dapat magkasundo na sila sa lahat ng bagay bago pa mahuli ang lahat at wala nang maging interesadong manood ng kanilang laban.

“The Pacquiao fight has to happen with Floyd,” sabi ng tiyuhin at trainer ni Mayweather na si Roger Mayweather kamakailan sabay dagdag na sa likod ng mga pagkatalo ng Pacquiao ay marami pa rin ang gustong makita na maglaban ang dalawa.

“People want to see it. People don’t care whether he got knocked out. Floyd will knock him out and that’s the fight they want to see.”

Nais ni Pacquiao na lumaban sa April at paghandaan ang rematch kay Marquez sa September. Gustong lumaban ni Mayweather sa May.

Maraming beses nang sinabi ni Mayweather na tatalunin lang niya si Pacquiao ngunit maraming beses ding hindi matuloy ang laban dahil sa kanya.

 

Show comments