MANILA, Philippines - Ibayong tulin ang ipinakita ng Lady Marilin upang hiyain ang mga napaboran sa pinaglabanang karera noong Martes ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si JA Guce ang hinete ng kabayo na ginulat ang mga manonood nang ipamalas ang ibayong tulin nang manalo kahit nabugaw sa kaagahan ng karera na isang Philracom Handicap Race (2) na inilagay sa 1,300m distansya.
Sa huling 100 metro ng karera lamang tumodo ang Lady Marilin na nasa ikawalo at huling puwesto.
Matapos ang 25-metro ay kasabayan na ng dehadong kabayo ang naunang bumanderang Ifyourhonorplease na hawak ni JA Guce.
Mula rito ay humataw pa ang rumemateng Lady Marilin at nanalo ng isang dipa.
Anak ng kabayong Enjoyment at Verdot, ang Lady Marilin na isang 3-year old filly ang lumabas bilang pinakadehadong kabayo na nanalo sa walong karerang pinaglabanan matapos magbigay ng P67.50 sa win. Ang 8-5 forecast ay nagpamahagi ng P294.50 dibidendo.
Nagpasikat din ang apprentice rider na si RC Tabor nang maipanalo ang nadehado ring Chief Of Staff sa class division 5 race.
Ibinalik si Tabor sa pagdadala sa nasabing kabayo matapos ang pangpitong puwesto noong Enero 4 sa pagdadala ni jockey SD Carmona.
Sumabay lang ang pitong taong kabayo sa mga nagdikta ng pace bago humataw sa rekta tungo sa dalawang dipang panalo sa naghabol ding Imperial Ballet.