MANILA, Philippines - Makikipagpulong si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Ritchie Garcia sa pamunuan ng Philippine Olympic Committee (POC) kung ano ang kanilang magiging diskarte sa paglahok sa Myanmar Southeast Asian Games sa Disyembre.
Balak ni Garcia na magpadala na lang ng token delegation sa Myanmar dahil tila walang kinahinatnan ang kahilingan ng Pilipinas na mabago ang mga sport sa kompetisyong gagawin sa Dec. 1-11.
“Nauna na kaming nag-usap ni POC president Jose Cojuangco at nagkasundo na token lang ang ating ipadadala sa SEA Games kung wala tayong kalaban-laban. Wala pa naman tayong official communications sa mga nagpunta sa SEA Games Federation Council meeting, but initial reports tells us na ang mga ipinasok na sport are not favoring us,†wika ni Garcia.
Ibinalik ang badminton at table tennis pero hindi naman malakas ang bansa sa mga larong ito. Ang gymnastics, bowling at lawn tennis ay inalis pero sa huling dalawang sports lang palaban ng ginto ang bansa.
May kaukulang kaparusahan ang isang kasaping bansa kung magbo-boycott sa SEAG pero hindi mapaparusahan ang isang bansa kung limitado lamang ang magiging bilang ng delegasyon.
“Ang ultimate decision nito ay sa POC dahil ang PSC ay taga-fund lamang ng delegasyon. Pero kukumbinsihin namin sila na token na lamang of say 20 to 50 athletes na may chance na manalo ang ipadala natin. Ano na lamang ang mangyayari sa atin kung sa simula pa lamang ng laban ay alam nating talo na tayo,†dagdag ni Garcia.
Sina POC 1st VP Joey Romasanta, 2nd VP at Chief of Mission Jeff Tamayo, treasurer Julian Camacho at secretary-general Steve Hontiveros ang mga dumalo sa pagpupulong at inaasahang darating sila sa bansa ngayon para mag-ulat kay Cojuangco.