LOS ANGELES -- Umiskor si Kevin Durant ng 32 points, nagdagdag si Russell Westbrook ng 26 nang igupo ng Oklahoma City Thunder ang Los Angeles Clippers, 109-97 nitong Martes ng gabi sa paghaharap ng mga koponang may pinakamagandang record sa NBA.
Nagdagdag si Serge Ibaka ng 17 points bago na-foul out para tulungan ang Thunder na umangat sa league-leading 33-9 record para manatiling nangunguna sa Western Conference kung saan mayroon silang 1 1/2 games na kalamangan sa Clippers na ‘di nakaasa kay All-Star Chris Paul para malaglag sa 32-11.
Nagtala si Blake Griffin ng 31 points at 11 rebounds habang nagdagdag si Jamal Crawford ng 14 points off-the-bench. Umiskor si Eric Bledsoe ng 12 points bilang kapalit na starter ni Paul na nagmintis ng kanyang ikaapat na laro dahil sa injury sa kanang tuhod.
Nagmintis siya ng tatlong road wins noong nakaraang linggo bago lumaro sa sumunod na dalawang games pero halatang wala pa siya sa porma kaya hindi na ito pinalaro nitong Martes.
Nanalo ang Clippers ng apat na sunod sa sariling balwarte kontra sa Thunder at kontrolado nila ang first quarter bago isinuko ang trangko sa second.
Naghabol ang Clippers sa simula ng fourth quarter sa pagtutulungan nina Grant Hill at Crawford na umiskor ng pitong sunod na basket para makalapit sa 82-75 at hanggang dito na lang ang nagawa ng Clippers para matalo sa ikalawang sunod na laro.
Pinangunahan ni Durant ang pagpapaulan ng tres sa sumunod na 4 minutes kung saan naipasok niya ang tatlo.