My Big Osh ginulat ang Gypsy Genius, Esprit De Corps at Shining Again sa San Lazaro noong Huwebes

MANILA, Philippines - Sinorpresa ng My Big Osh ang walong nakalaban nang lumabas bilang pi­nakadehadong kabayo na kuminang sa idinaos na pista noong Huwebes ng gabi sa San Lazaro Lei­sure Park sa Carmona, Ca­vite.

Ipinagabay sa pagka­ka­taong ito kay Antonio Al­casid, Jr. ang apat na taong colt na anak ng Conquistarose sa Doc’s Magic at nabago ng beteranong class A jockey ang timpla ng kabayo para makuha ang unang panalo sa taon.

Walang epekto ang ka­totohanang malayo ang pinanggalingan ng ka­ba­yo dahil nasa ika-pitong pu­westo ito sa alisan nang ipa­kita ang lakas ng resis­tensya.

Sa labas idinaan ni Al­casid ang kabayo bago tu­luyang iniwan ng halos dalawang dipa sa me­ta ang Gypsy Genius na diniskartehan ni Pat Di­lema.

Ang Esprit De Corps na paborito dahil sa dalawang dikit na panalo ay tu­mapos sa ika-limang pu­westo lamang.

Ang Shining Again na di­niskartehan ni JB Guce at nanalo sa huling laban ay pumang-apat lamang sa karera.

Ang di inaasahang panalo ng My Big Osh ay nagpasok ng P70.50 sa win, habang nasa P612.00 ang dibidendo sa 3-4 forecast.

Hindi nakontento si Al­casid sa nakuhang panalo dahil sa sumunod na karera na race 5 ay naipanalo pa ang Fort Alamo sa isang 4YO Philracom Han­dicap (06) race.

Nakatulong sa panalo ng tambalan ang panglulutsa ng Madam Theresa sa paboritong Puuma para ma­ubos ito pagpasok sa far turn.

Humalili sa liderato ang Fort Alamo at naisan­­tabi ang malakas na pag­da­­ting ng Elegant April na kinapos ng kalahating ag­­wat sa meta.

Ikalawang takbo ito ng kabayo sa taong 2013 at na­kabawi mula sa ikapitong pagtatapos sa isang Han­dicap (07) race para ma­kapagpasok ng P21.50 sa win at P55.00 sa 4-5 forecast.

Ang double combination na magkasunod na pa­nalo ng mga kabayo ni Alcasid na 3-4 ay may P301.50 dibidendo.

 

 

Show comments