Pacquiao- Marquez V gaganapin sa Mexico City?

MANILA, Philippines - Kung muling maghaharap sina Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez sa pang-limang pagkakataon ngayong Setyembre, posibleng mangyari ito sa Mexico City na siyang balwarte ni ‘El Dinamita’.

Sinabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na nakipag-usap na siya sa promoter ni Marquez na si Fernando Beltran ng Zanfer Promotions hinggil sa Pacquiao-Marquez V sa buwan ng Setyembre na isasabay sa pagdiriwang ng Mexican Independence.

“This is a more important celebration among Me-xicans compared to the Cinco de Mayo (festivities),” wika ng 81-anyos na si Arum.

Kung sakali, ito ang unang pagkakataon na dadayo ang Filipino world-eight division champion sa Me-xico matapos kumamada sa United States kung saan siya sumikat matapos talunin si Lehlo Ledwaba ng South Africa noong Hunyo 23, 2001 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

Sa nasabi ring venue huling nakatikim ng kabigu­an si Pacquiao matapos patulugin ni Marquez sa hu­ling segundo ng sixth round sa kanilang ikaapat na pag­tatagpo noong Disyembre 8.

Bago muling labanan ang 39-anyos na si Marquez (54-6-0, 39 KOs) sa Setyembre, isang tune-up fight muna ang itatakda ni Arum para kay Pacquiao (54-5-2, 38 KOs) sa Abril.

At ang posibleng makaharap ni Pacquiao ay si world lightweight titlist Brandon ‘Bam Bam’ Rios (31-0-1, 23 KOs).

Sinabi rin ni Arum na ipapatingin muna niya ang Sa­rangani Congressman sa Lou Ruvo Center for Brain Health ng Cleveland Clinic bago niya planuhin ang mga susunod na laban ni ‘Pacman’.

Ito ay upang mawala ang agam-agam hinggil sa kondisyon ni Pacquiao na ayon sa dalawang Filipino doctor ay may sintomas ng Parkinson’s disease.

Kamakalawa ay sinuri ni Dr. Regina Bagsic, ang personal physician ni Pacquiao, at Dr. Roland Dominic Jamora, isang neurologist na dating namuno sa Movement Disorder Center ng St. Luke’s Medical Cen­ter, ang Filipino boxing superstar.

Sinabi nina Bagsic at Jamora na wala silang nakitang sintomas ng Parkinson’s disease sa 34-anyos na si Pacquiao.

Taliwas naman ito sa naunang komento nina nue-rologist Dr. Rustico Jimenez at forensic pathologist Dr. Raquel Fortun kaugnay sa kanilang obserbasyon sa mga panayam kay Pacquiao sa telebisyon.

Sumailalim na si Pacquiao sa MRI sa Cardinal Santos Medical Center kung saan siya napatunayang negatibo sa anumang head injuries apat na araw matapos ang kanyang kabiguan kay Marquez.

 

Show comments