MANILA, Philippines - Opisyal na iniluklok kahapon si Teodorico ‘Boyet’ Fernandez bilang head coach ng San Beda Red Lions sa NCAA.
Si Fernandez ang papalit kay Ronnie Magsanoc na nagbitiw matapos ibigay sa Lions ang ika-17th titulo sa idinaos na 88th NCAA men’s basketball.
Noong Disyembre 22 sa isang Christmas party ng nasabing paaralan ay inendorso ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) chairman at panguna-hing tagapagtaguyod ng San Beda na si Manny V. Pangilinan si Fernandez para makahalili ni Magsanoc na umani rin ng suporta sa pamunuan.
Hindi naman maninibago si Fernandez sa paghawak sa Lions dahil sa nakaraang season ay naupo na siya bilang consultant ni Magsanoc.
Bago tinapik sa puwesto, si Fernandez ang champion coach sa PBA D-League gamit ang NLEX Road Warriors bukod pa sa assistant coach sa Meralco Bolts katulad ni Magsanoc.
Sa pagkakatalaga bilang head coach ng Lions, magkakaroon din ng pagkakataon si Fernandez, isang one-time PBA champion coach sa Sta. Lucia Real-ty na maibangon ang sarili matapos ang 0-12 karta nang kinuha ng UP sa UAAP noong 2010 season.
Puntirya ng Lions ang kauna-una-hang 4-peat at may sapat na puwersa si Fernandez dahil sina Jake Pascual, Anjo Caram at Carmelo Lim lamang ang nawala sa idinaos na season.