MANILA, Philippines - Patuloy na pinagtibay ng NLEX Road Warriors ang kanilang pagiging pinakamahusay na koponan sa PBA D-League nang kunin nila ang ikatlong sunod na kampeonato gamit ang pambihirang 13-0 sweep sa idinaos na Foundation Cup.
Alam ng lahat na malakas na koponan ang Road Warriors sa nasabing conference dahil pinagsama-sama sa iisang team sina Eman Monfort, Garvo Lanete, Calvin Abueva, RR Garcia, Chris Hodge, Chris Ellis, Ian Sangalang at Kirk Long.
Pero ang walisin ang lahat ng kanilang laro tungo sa titulo ay tila imposible ngunit nagawa ito ng tropa ni coach Boyet Fernandez dahil umano sa sakripisyo ng lahat ng manlalaro.
“This is unbelievable. I never really thought we could do this. The players deserve it. They sacrificed a lot to achieved our goal,” wika ni Fernandez.
Bago ang Foundation Cup ay nasungkit muna ng koponang suportado ni businessman/sportsman Manny V. Pangilinan ang titulo sa Aspirants Cup noong Enero at winalis nila ang nakalabang Freego Jeans.
Tinapos ng koponan ang Aspirant Cup sa pamamagitan ng tatlong sunod na panalo para magkaroon ng 16-0 winning streak matapos pagharian ang Foundation Cup.
Tulad sa nagdaang mga conferences ay nagsilbing palamuti lamang ang mga katunggaling koponan ng Road Warriors nang isa-isa nilang tuhugin ang mga ito tungo sa landas ng pagpapanalo.
Ang Big Chill na nagpalasap ng huling kabiguan sa Road Warriors na nangyari sa panimulang aksyon sa semifinals ng Aspirants Cup noon pang Enero 24, ang nakakuha ng karapatang hamunin ang NLEX para sa titulo sa Foundation Cup matapos talunin sa tatlong laro ang Cebuana Lhuillier Gems.
Ngunit ang inaasahang magandang serye ay hindi nangyari dahil hindi natapatan ng Super Chargers na hawak na ni coach Robert Sison, ang nag-lalagablab na laro ng Road Warriors upang lasapin ang masaklap na 86-71 at 82-62 pagkatalo.
Ito ang naging pinaka-lopsided na finals series sa tatlong season ng liga na nagnanais na bigyan ng pagkaka-taon ang mga bata at hindi pa hinog na PBA players na hasain ang kanilang talento.