May pagkakataong bumawi si Cojuangco

MANILA, Philippines - Sa taong 2012 ay kabuuang 11 National athletes ang ipinadala ng Pilipinas sa Olympic Games na idi­naos noong Hulyo 27 hanggang Agosto 12 sa London, United Kingdom.

Ito ang pinakamaliit na delegasyon na isinabak ng bansa sa Olympic Games sapul noong 1996.

Walang anumang medalyang naiuwi sina swimmers Jasmin Alkhaldi at Jessie Khing Lacuna, archers Mark Javier at Rachelle Anne Cabral, shooter Paul Brian Rosario, boxer Mark Anthony Barriga, long jumper Ma-restella Torres at middle distance runner Rene Herrera, lady weightlifter Hidilyn Diaz, Fil-Japanese judoka Tomohiko Hoshina at Fil-American BMX rider Daniel Caluag sa kani-kanilang mga events.

Ito ang ikaapat na Olympic Games na nabigong makakolekta ng anumang medalya ang mga Filipino athletes.

Sina Alkhaldi, Lacuna, Torres at Herrera ay nabigyan ng wildcard entries, habang sina Javier at Cabral ay nakalaro sa naturang quadrennial event sa pamamagitan ng pagsabak sa mga qualifying tournaments.

Si Diaz ang hinirang na kauna-unahang Pinay athlete na flag bearer ng Philippine delegation sa ginawang parada para sa pagbubukas ng 2012 London Games.

Bago ang mga labanan sa Olympics ay sinabi ni Chef De Mission Manny T. Lopez, vice-president ng Philippine Olympic Committee, na malaki ang po­tensyal nina Barriga at Caluag na makasikwat ng me­dalya sa kanilang mga events.

Sinabi naman ni POC chairman Monico Puente­vella na walang aasahang medalya ang bansa dahil sa bi­gat ng labanan sa bawat sports events.

Huling nakapag-uwi ng medalya ang bansa sa Olym­pic Games noong 1996 sa Atlanta, Georgia matapos sumuntok ng silver medal si light flyweight Mansueto ‘Onyok’ Velasco, Jr.

Pareho namang nabigo sina Lopez at Puentevella na mapanatili ang kani-ka­nilang mga posisyon sa isinagawang eleksyon ng POC noong Nobyembre 30 kung saan muling nailuklok si Jose ‘Pe­ping’ Cojuangco, Jr. bilang pangulo sa ikatlong sunod na pagkakataon sa okasyon na ginawa sa Alabang Country Club.

Walang naging kalaban si Cojuangco para sa pagka-presidente ng POC.

“I’ve been given another four years and I’d like to make sure that in the last four years as president of the POC, I can fi­nally produce that result which people are expecting,” wika ni Cojuangco.

Tumiwalag sina Lopez at Puente­vella para labanan ang partido ni Cojuangco na winalis ang mga nakahanay na puwesto sa POC.

Bago ang eleksyon ay niligawan mu­na nina Lopez at Puentevella si busi­nes­sman at sports patron Manny V. Pa-ngi­linan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas para sagupain sa presidential race si Cojuangco.

Ngunit tinanggihan ni Pangilinan ang naturang alok nina Lopez at Puentevella sa pagsasabing wala siyang panahon pa­ra gampanan ang tungkulin ng isang POC president.

Matapang namang hinamon ni Go Teng Kok ng track and field association si Cojuangco dalawang linggo bago ang POC elections.

Ngunit makalipas ang ilang araw ay umatras din si Go.

Ang mga nanalo sa partido ni Cojuangco ay sina Tom Carrasco (chairman), Joey Romasanta (first vice-president), Jeff Tamayo (second vice-president), Julian Camacho (treasurer), Prospero Pichay (auditor) at sina Dave Carter, Jonne Go, Cynthia Carrion at Ernesto Echauz (board members).

 

Show comments