Azkals bumaba sa FIFA rankings

MANILA, Philippines - Nagbayad ang Philippine Azkals sa kabiguan nilang makaabante sa finals ng AFF Suzuki Cup.

Sa bagong talaan ng FIFA rankings, ang Azkals ay bumaba ng apat na puwesto mula sa dating pinakamataas na 143 ranking ng Pinas  noong nakaraang buwan.

Ito ang ikalawang pagkakataon na nalagay ang Azkals sa 147 dahil ito ang kanilang puwesto noong buwan ng Oktubre.

Nabigo ang Azkals na mahigitan ang naitalang semifinals na pagtatapos noong 2010 Suzuki Cup nang isuko ang 1-0 kabiguan sa Singapore Lions sa kanilang away game noong Disyembre 12.

Bago ito ay nakahirit ng scoreless draw ang Pilipinas sa Singapore sa kanilang home game noong Dec. 8.

Nawala na rin sa Pilipinas ang pagiging number two sa South East Asia matapos bumaba sa ikatlong puwesto. Ang Thailand na dating nasa ikatlo, ay lumundag ng 16 na puwesto tungo sa pumapangalawang 136th puwesto.

Nasa finals ng Suzuki Cup ang Thailand laban sa Singapore. Ang Vietnam pa rin ang pinakamahusay sa South East Asia kung football ang pag-uusapan sa kanilang 131st ranking. (AT)

 

Show comments