MANILA, Philippines - Isang three-pointer ni Ryan Reyes sa may kaliwang kanto mula sa isang drive-and-dish na pasa ni Jayson Castro ang nagbigay sa two-time defending champion Talk ‘N Text ng 66-65 panalo sa Alaska sa simula ng kanilang best-of-seven semifinals sa 2012-13 PBA Philippine Cup playoffs kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Naisalba ni Reyes ang Tropang Texters na matapos lumamang ng umabot sa walong puntos sa second quarter ay nahabol at nilamangan ng Aces sa buong huling yugto hanggang sa game-winning three-pointer na iyon ni Reyes may 14.3 segundo na lamang ang natitira sa laro.
May sapat na oras pa para sa isang huling opensiba ang Alaska pero nagmintis sa isang top-of-the-key jumper si Tony dela Cruz.
Dalawang TNT players lang ang umiskor ng double figures na sina Castro at Ranidel de Ocampo na nagtala ng 17 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod, sa lowest scoring game ng conference.
Ang 14 puntos at 14 rebounds ni Sonny Thoss ang nagbida para sa Alaska na tulad ng TNT ay iniskor ang kanilang pinakamababang output sa conference.