Bakbakan na

MANILA, Philippines - Ang tatlong koponang nagkampeon sa nakaraang season at isang koponang nasa unang taon pa lamang ng panibagong manpower build-up nito ang magsisimula ngayon ng kani-kanilang mga laban sa Final 4 ng 2012-13 PBA Philippine Cup playoffs sa Smart Araneta Coliseum.

 Nakatakda ang Game 1 ng parehong best-of-seven semifinals ngayon kung saan makakaharap ng Alaska ang naghahabol na three-peat na defending champion Talk ‘N Text sa alas-5:15  ng hapon at sa alas-7:30 ng gabi ang labanan ng San Mig Coffee at Rain or Shine.

Maghaharap sa unang pagkakataon ang Tropang Texters at Aces sa playoffs mula nang tinalo ng Alaska ang TNT, 4-3 sa best-of-7 na semis noong 2010 Fiesta Conference. Sila rin ang nagharap sa 2008-09 Philippine Cup finals kung saan nanalo ang Talk ‘N Text, 4-3.

 Pero iba na ang mga coaches ng parehong koponan sa katauhan nina Norman Black ng Tropang Texters at Luigi Trillo ng Aces at may ilang bagong key players na ang Alaska tulad nina sophomores JVee Casio at Mac Baracael at rookie Calvin Abueva.

 Makakaharap ng Talk ‘N Text ang isa sa dalawang koponan lamang na tumalo dito sa eliminations at hindi ito nalilimutan ni Black.

 “It will be a challenge for us considering they are one of the two teams that beat us in the elims,” paha-yag ni Black, na tinutukoy ang 94-92  panalo ng Aces sa Tropang Texters noong Nov. 2 na tumapos sa 6-0 simula ng TNT. Ang Barangay Ginebra ang isa pang tumalo sa Talk ‘N Text na tinapos ang elims na may 12-2 na panalo-talo karta, ang pinakamagandang record sa lahat ng mga koponan.

 Ang salpukan naman ng San Mig Coffee at Rain or Shine ay rematch ng 2012 Governors Cup finals, mahigit apat na buwan na ang nakaraan kung saan nagwagi ang Elasto Painters, 4-3 para sa kanilang breakthrough championship mula nang pumasok sa PBA noong 2006. Naniniwala si RoS head coach Yeng Guiao na magiging mahigpit ang laban at baka umabot hanggang dulo ang serye.

 “I expect a long series. It’s going to be physical and emotional for both teams,” pahayag ni Guiao, na ambisyon ang kanyang unang all-Filipino finals.

 

Show comments