MANILA, Philippines - Apat na araw matapos ma-knockout kay Juan Manuel Marquez, natanggap ng Filipino boxing icon at Sarangani Congressman Manny Pacquiao ang go-signal mula sa kanyang mga doktor na magpatuloy sa kanyang sports activities.
Sumailalim si Pacquiao sa magnetic resonance imaging (MRI) test sa San Juan City para ma-check kung mayroon siyang pinsala sa ulo at katawan, ayon sa ulat ng dzBB kahapon ng umaga.
Nagtungo siya sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City noong Huwebes at nagpa-MRI exam para siguraduhing wala siyang natamong injury matapos ang kanyang pagkatalo kay Marquez.
Sa ulat naman ng ‘Saksi,’ sinabi ni Pacquiao na nagpa-MRI nga siya para sa kanyang ulo at cervical spine.
“Everything is okay, no problem, masayang-masaya,” sabi ni Pacquiao pagkatapos ng ginawang pagsusuri.
Sinabi rin ni Pacquiao na kumpiyansa siyang makakabawi siya sa kanyang pagbagsak sa ranking.
“Hindi pa tapos ang lahat, pwede pa tayong luma-ban uli. Ang boxing hindi naman forever ka doon sa taas,” ani Pacquiao. “At least nakapagbigay tayo ng record na hindi makakalimutan sa history ng boxing, eight divisions.”