MANILA, Philippines - Kinokonsidera ng Philippine football officials na makasaysayan ang unang home game ng Azkals sa AFF Suzuki Cup semifinal sa Rizal Memorial Stadium na maaaring magpainit ng pag-usbong ng football sa bansa.
“It (home game) is important not just for this tournament but also for the growth of Phl football,” sabi ni Azkals team manager Dan Palami.
Host ang Azkals sa laban kontra sa Lions ng Singapore sa first leg ng kanilang semifinal tie kagabi sa Rizal, ang unang pagkakataon na lumaro ang mga Pinoy sa Last-4 sa harap ng mga kababayan.
Sa huling Suzuki Cup dalawang taon na ang nakakaraan, minalas ang Azkals na laruin ang kanilang home game sa balwarte ng kalabang Indonesia.
Ito’y dahil hindi pumasa sa standards ang Rizal noon kaya napilitang lumaro ang Azkals sa harap ng 80,000 Indonesians sa dalawang semifinal matches.
“We look forward to that growth and I’m glad that the Azkals as a team had that impact over the last two years, and we hope to bring bigger impact on this particular tournament because of this home game,” sabi ni Palami.
Ang pagpasok ng Azkals sa semis ng Suzuki Cup noong 2010 ang bumuhay sa football sa bansa.
“The resurgence is quite dramatic and we hope that this will continue,” ani Palami.
Ang lumang-luma nang Rizal Stadium ay inayos matapos ang pagsikat ng Azkals noong 2010 at ito na ngayon ang kanilang itinuturing na homecourt.
Inalay ng Azkals ang kanilang laban kagabi sa mga biktima ng bagyong ‘Pablo.’