MANILA, Philippines - Pagsisikapan ngayon ni Jade Bornea na palakarin pa ang magandang ipinakikita sa 2012 AIBA World Youth Boxing Championships sa pagharap kay Muradhon Akhmadaliyev ng Uzbekistan sa semifinals na lalaruin sa Karen Demirchyan Sports and Concerts Complex sa Yerevan, Armenia.
Unang laban sa 20 semis bouts sa 10 weight divisions ang nasabing tagisan at ang mananalo ay aabante sa finals sa light flyweight division.
Galing sa 16-12 panalo ang 17-anyos na si Bornea mula kay Jack Bateson ng England para matiyak ang bronze medal ng Pilipinas.
Ito pa lamang ang kauna-unahang medalyang napanalunan ng Pilipinas sa tatlong edisyon ng Youth Championships at si Bornea ang nag-iisang boksingero mula South East Asia na nakaabot sa semifinals sa taong ito.
Pahinga ang aksyon kahapon at si Bornea ay pinahintulutan munang makapag-relax sa pamamagitan ng pamamasyal at pamimili ng mga bagay na kanyang iuuwi sa mga mahal sa buhay.
Kinahapunan na siya sumailalim sa masusing pag-aaral at gagawing diskarte laban kay Akhmadaliyev na nanalo na rin ng pilak sa Ahmet Comert Youth Boxing Tournament noong Setyembre.
Anuman ang mangyari, taas-noong lilisanin ng pambansang delegasyon na ipinadala ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) ang Armenia.