MANILA, Philippines - Kumpara kay unified world super bantamweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. na nag-iingat sa kanyang pag-eensayo, walang tigil naman ang mabigat na pagsasanay ni Mexican challenger Jorge Arce.
Apat na linggo nang nagsasanay si Arce sa Romanza Gym ni Mexican chief trainer Ignacio ‘Nacho’ Beristain at nakatakdang lumipat sa Los Mochis para sa tatlong linggo pang paghahanda.
“We’ve had a great camp for my fight with Donaire. The last stage is here at sea level, thanks to my staff and friends, and we will once again surprise the boxing world on 15th of December,” ani Arce sa panayam ng BoxingScene.com.
Itataya ni Donaire ang kanyang WBO super bantamweight title, nakamit niya matapos biguin si Wilfredo Vazquez Jr. via split decision noong Pebrero kasunod ang pananaig niya kay Jeffrey Mathebula para sa IBF crown noong Hulyo, kontra kay Arce.
Magtatagpo ang 29-anyos na si Donaire at ang 34-anyos na si Arce sa Disyembre 15 sa Toyota Center sa Houston, Texas.
Ayon kay Arce, patatahimikin niya ang kanyang mga kritiko kasabay ng pagbugbog kay Donaire.
“Thanks to those who criticize me and leave me for dead, all of them are my main motivators,” wika ni Arce. “I will shut down their mouths, because I will defeat Donaire.”
Tangan ni Donaire ang kanyang 30-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 19 KOs, habang dala ni Arce ang kanyang 60-6-2 (46 KOs) slate.
Huling tinalo ni Donaire si Japanese superstar Toshiaki ‘Speed King’ Nishioka via ninth-round TKO noong Oktubre sa Home Depot Center sa California kung saan muling bumuka ang sugat sa kanyang kaliwang kamay.