MANILA, Philippines - Aalamin ni Big Chill coach Robert Sison kung pupuwede na sila na lumaban para sa kampeonato sa PBA D-League Aspirants’ Cup sa pagharap sa three-time defending champion NLEX Road Warriors ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ito ang unang pagkikita ng dalawang koponan na naglaban sa finals sa nagdaang conference at tiyak na magiging mainit ito dahil isa sa Road Warriors at Super Chargers ang lalasap ng unang pagkatalo sa torneong ito.
Aminado si Sison na noong binuo niya ang koponang hawak ay layunin niyang talunin ang Road Warriors na winalis ang kanilang best-of-three series para sa Foundation Cup title.
“This is a big game for us,” wika ni Sison na hindi pa natatalo matapos ang apat na laro.
“We have to play consistent basketball. We have to be offensively sharp and defensively tought to be able to compete with them,” dagdag nito.
Ikaanim na sunod na panalo at 23 sa pangkalahatan ang nakataya naman sa tropa ni coach Boyet Fernandez na alam na itong laro ang susukat sa tunay na kakayahan ng kanyang mga alipores.
Huling laro na naipanalo ng NLEX ay sa Fruitas, 92-73, na ginawa noong Nobyembre 26.
“We have a lot of things to do against Big Chill. Hopefully we could keep our momentum going,” wika ni Fernandez.
Bago ito ay tatangkain naman ng Fruitas na tapusin ang dalawang sunod na pagkatalo sa pagharap sa Erase Xfo-liant sa ganap na ika-2 ng hapon.
Inasahang babalik na sa line-up si Olaide Adeogun matapos dumanas ng sprained right ankle upang palakasin uli ang manpo-wer na tumikas sa paghugot kay dating PBA player Pong Escobal.
Si Escobal ay agad na nagpasikat nang gumawa ng 25 puntos sa natalong laro sa NLEX.