NLEX, Big Chill wala pa ring talo

MANILA, Philippines - Dinurog ng NLEX ang Fruitas, 92-73, habang kinalos ng Big Chill ang Boracay Rum, 68-59, para mapanatiling malinis ang karta sa PBA D-League Aspirants’ Cup na nagdaos ng triple-header kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Nailabas ni Borgie Hermida ang pinakamagandang laro sa conference sa kanyang 15 puntos habang apat pang kakampi ang naghatid ng hindi bababa ng 11 puntos upang mahawakan ng Road Warriors ang ikalimang sunod na panalo at 22-0 sa kabuuan mula pa noong Enero 30.

Ang 22 sunod na panalo ay higit na sa 21-diretso na nagawa ng Crispa Redmanizers sa PBA at siyang itinuturing bilang pinakamahabang winning streak sa basketball.

Bumanat ng 30 puntos ang NLEX sa ikalawang yugto at 26 pa sa ikatlo upang ang dikitang iskor sa unang yugto, (14-9) ay lumobo sa 70-54 papasok sa huling 10 minuto ng labanan.

Pilay ang tropa ni coach Nash Racela dahil hindi nakalaro ang 6’7” import na si Olaide Adeogun at ang bagong pasok na si dating PBA player Pong Escobal ang nagdala ng laban sa kanyang 25 puntos.

Naghatid naman ng 11 puntos sa huling yugto si Terrence Romeo upang tulungan ang Super Chargers sa 68-59 panalo sa Boracay Rhum para iangat ang karta sa 4-0.

Tumapos si Romeo taglay ang 22 puntos at ang ikatlong tres sa laba-nan ang nagsulong sa Big Chill sa 67-59 bentahe.

Nakamit naman ng Blackwater Sports ang ikatlong sunod na panalo matapos ang apat na laro sa bisa ng 88-83 tagum-pay sa Jose Rizal University sa ikatlong laro.

 

Show comments