Magna Carta sa Cojuangco Cup

MANILA, Philippines - Walang masamang epekto ang 168 araw na pahinga na ginawa ng Magna Carta nang naisantabi ang matinding hamon na ibi-nigay ng Tensile Strength para dominahin ang 2012 Amb. Eduardo M. Cojuangco Jr. Cup sa pagtatapos ng pista kahapon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Huling opisyal na takbo ng premyadong kabayo na pag-aari ni Michael Dragon Javier ay noon pang Hunyo 3 nang dinomina ang PCSO Silver Cup.

Sa 2,000m idinaos ang tagisan ngayon at hindi nabawasan bagkus ay mas naging matulin pa ang Magna Carta na kinolekta ang ikalawang panalo sa tatlong takbo sa taon.

Naorasan ang prem-yadong kabayo na may lahing Woodman sa Pledge The Fifth ng 2:06.6 sa kuwartos na 25’, 23, 26’, 25’ at 26. Ang oras na ito ay mas mabilis kumpara sa 2:07 winning time na naitala nito sa Silver Cup.

Sampung kabayo ang naglaban at nauna agad ang Magna Carta sa alisan pero pinigil ito ni jockey Jessie Guce. Pinauna nila ang Striding Ahead, Divine at Next Big Thing habang ang Tensile Strength na sakay ni Jeff Zarate ay nasa ikalimang puwesto.

Sa huling 600 metro ng karera ay nagsimulang rumemate ang dalawang naglaban na kabayo at ang Magna Carta ay nasa labas habang ang Tensile Strength ang nasa balya.

Ang kabayong pag-aari ni dating Philracom commissioner Jun Sevilla ang nakauna na papasok sa rekta ngunit ilang hataw at tulak ni Guce sa Magna Carta ang nagresulta para tumulin ito at manalo pa ng isa’t kalahating dipang agwat. Ang Next Big Thing ni Fernando Raquel Jr. ang pumangatlo bago tumawid ang dating kampeon na Juggling Act ni Pat Dilema.

Hinirang na paborito sa karera sa nakuhang P402,644.00 mula sa P832,063.00 sa daily double sales, nagpasok ang panalo ng Magna Carta ng P1.2 milyon sa horse owner.

 

Show comments