MEMPHIS -- Ang New York Knicks ang pinakahuling koponan na nakatikim ng kabiguan ngayong season matapos ang 95-105 pagkatalo laban sa Memphis Grizzlies sa FedExForum.
Isang araw matapos bumangon sa fourth quarter laban sa San Antonio, nabigo naman ang Knicks (6-1) na makabawi mula sa iniskor na 24 points ni Memphis center Marc Gasol.
Nagdagdag naman si forward Zach Randolph ng 20 points at 15 rebounds na kanyang pang-walong sunod na double-double.
Ito ang pang-pitong sunod na ratsada ng Grizzlies (7-1) matapos ang kanilang unang kabiguan.
Umiskor si Carmelo Anthony ng 20 points para sa Knicks.
Sa Indianapolis, itinala ng Indiana Pacers ang pinakamalaki nilang panalo laban sa Dallas Mavericks sa loob ng 15 taon.
Umiskor sina David West at George Hill ng tig-15 points para tulungan ang Pacers sa 103-83 panalo kontra sa Mavericks.
Tinalo ng Pacers ang Mavericks, 104-80, noong Marso 26, 1997.
Sinabi ni Hill na ang panalo nila sa Dallas ay base sa ginawang pagbabago ni coach Frank Vogel.
Nagdagdag naman sina Roy Hibbert at Sam Young ng tig-14 points para sa Indiana.
Pinangunahan ni O.J. Mayo ang Mavericks (5-5) mula sa kanyang 19 points.