MANILA, Philippines - Makakatulong ng Philippine National Shooting Association (PNSA) ang Armed Forces of the Phi-lippines (AFP) para makahubog ng isang shooter na puwedeng manalo ng medalya sa 2016 Rio de Janeiro Olympics.
Ayon kay PNSA National Youth Development Program (NYDP) chairman Nathaniel ‘Tac’ Padilla, nakuha niya ang suporta ng AFP nang makausap si Defense Secretary Voltaire Gazmin at kukuha siya ng apat na bagong pasang sundalo na edad 20 anyos at sasanayin niya mula Enero 1, 2013 hanggang sa 2016 Olympics.
Sa pistol huhubugin ang mga mapipili at walang gastos ito sa Philippine Sports Commission (PSC) dahil siya ang magbibigay ng bagong baril at bala habang ang allowances nila ay kukunin sa AFP na kung saan sila kasapi.
“Bibigyan kami ng listahan ng AFP sa kung sino ang puwede at kami ang pipili ng apat na shooters para sa pistol events na kung saan wala tayong malakas sa ngayon. Ito ang ginagawa sa ibang bansa at sinisikap kong subukan ngayon,” wika ni Padilla nang bumisita sa SCOOP sa Kamayan sa Padre Faura, Manila.
Ang PAGCOR ang nangakong tutulong sa progra-mang ito at nananalig si Padilla na isa ring National shooter at lalahok sa Myanmar SEA Games, na magtatagum-pay ito tulad ng pagsasanay na ginawa sa mga batang rifle shooters dalawang taon na ang nakaraan.