MANILA, Philippines - Sinuklian ni Mike Cortez ang tiwalang ibinigay sa kanya ng Air21 at ng kanyang coach sa college nang pamunuan nito ang 86-85 panalo ng Express sa Barako Bull kagabi sa 2012-13 PBA Philippine Cup sa Cuneta Astrodome.
Naglaro sa kauna-unahang pagkakataon para sa kanyang bagong koponan na kumuha sa kanya sa trade kapalit ni rookie Yousif Taha na napunta sa Barangay Ginebra San Miguel, nagpasiklab agad si Cortez sa tono ng 24 points, tig-anim na rebounds at assists sa loob lamang ng 24 minuto off the bench para bigyan ang Air21 ng unang back-to-back win nito.
Galing sa 97-76 pananambak sa Petron Blaze noong Nov. 2, pinag-ibayo ng Express ang kanilang ambisyong makapasok sa kanilang kauna-unahang playoff appearance sa pagsulong sa 3-5 panalo-talo para saluhan ang Boosters sa pang-anim na puwesto at kalahating laro ang angat sa Energy Cola na bumaba sa 3-6.
Nagpamalas si Cortez ng kanyang pinakamagandang laro sa liga sa loob ng nakaraang anim na seasons sa bisperas ng kanyang ika-32 na kaarawan ngayon.
Lamang ang Energy Cola, 85-81 may 1:40 na lamang ang natitira sa laro, umiskor ng triple si Cortez at isa pang basket sa huling 89 segundo ng laro para bigyan ang Air21 ng kanilang ikatlong panalo sa conference na ito kung saan nag-0-14 ang koponan bilang Shopinas.com sa kanilang unang conference sa liga noong nakaraang taon.
“Where can you find a better script than that – Mike Cortez taking over and scoring the last points to turn things around. I think we found the solution already. Mike is someone who can glue us together, who can put stability down the stretch. I also want him to prove that he’s still one of the best point guards here in the PBA,” pahayag ni Air21 head coach Franz Pumaren, ang dating coach ni Cortez sa DLSU kung saan sila nanalo ng apat na sunod na kampeonato sa UAAP simula 1998.