MANILA, Philippines - Hindi na maaaring manilbihan sa National basketball team ang isang coach na may iba pang hawak na koponan.
Dahil sa kautusan na ito, naudlot ang pagkuha kay Nash Racela bilang kapalit ng kapatid na si Olsen na coach sa Under-16 team.
“Si Nash ang bagay sa team dahil naging assistant siya ni Olsen kaya alam na niya ang mga nangyayari lalo na sa international scene. Pero tinanggap na niya ang alok na maging coach ng FEU kaya’t maghahanap uli kami,” sabi ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) executive director Sonny Barrios.
Ayon kay Barrios, nais ng pangulo ng NSA na si Manny V. Pangilinan na full-time ang mga tatapikin bilang head coaches sa iba’t-ibang National teams na ilalaban sa malalaking kompetisyon sa labas ng bansa sa 2013.
Si Chot Reyes, na siyang mentor ng Gilas II, ang siya ring binigyan ng trabaho na pumili ng mga coaches na puwedeng irekomenda para hawakan ang National teams sa kalalakihan at kababaihan sa Youth, Under-16 at sa 3-on-3.
Maaari ring mangailangan ng coach para sa men’s team sa South East Asian Games sa Myanmar ayon kay Barrios habang si Haydee Ong ang mauupo bilang coach sa women’s team.